MANILA, Philippines – Kinondena kahapon ni Makati Mayor Jejomar Erwin Binay ang pananatili sa City Hall complex ng daan-daang armadong tropa ng Special Action Force (SAF) na lumilikha anya ng kapaligirang parang merong batas militar na dahilan para makadama ng tensiyon at takot ang mga residente at empleyado ng pamahalaang-lunsod.
Binatikos ni Mayor Binay ang sariling interpretasyon ng Department of the Interior and Local Government (DILG) sa batas sa halip na humingi ng paglilinaw sa korte.
Nanawagan ang alkalde kay DILG Sec. Mar Roxas na igalang ang temporary restraining order ng Court of Appeals na pumipigil pansamantala sa pagpapatupad sa kautusan ng Ombdsman na nagsususpinde sa kanya sa tungkulin.
“Si Secretary Mar Roxas na mismo ang nagsabi na walang sino mang mas mataas sa batas. Totoo sana siya sa kanyang mga salita. Kung merong tanong ang DILG, dapat hingan nila ng sagot ang korte at huwag gumawa ng sarili nilang interpretasyon,” sabi ni Binay.
Pinuna ni Binay na ang mga residente ang napeperhuwisyo sa nababalam na mga serbisyo bunga ng katigasan ng DILG na ipatupad ang maling suspension order ng Ombudsman.
Idinagdag ng alkalde na dapat sanang nakabalik na sa normal ang sitwasyon sa city hall kung hindi dahil sa hakbang ng DILG lalo na ang sobrang hindi kinakailangang pagpapakita ng puwersa gamit ang PNP na tila nasa ilalim ng quasi-martial law ang Makati.
“Inihalal ako ng mga mamamayan bilang kanilang alkalde sa nakaraang eleksyon. Hayaang igalang ang kanilang kagustuhan. Hindi namin mapapahintulutang mangibabaw ang interes ng ilang tao sa mandatong ipinagkaloob sa akin ng aming mga nasasakupan,” sabi pa niya.
Wika pa nito, muli niyang gagampanan ang kanyang mga tungkulin bilang alkalde kabilang ang pagpirma sa mga official document na nangangailangan ng kanyang lagda.
Noong Lunes ng hapon, pumosisyon sa harapan ng City Hall main building ang mga pulis na armado ng anti-riot gear at assault weapon pagkaraan ng isang oras mula nang mag-alisan ang naunang nag-vigil doon na mga tagasuporta ng alkalde. Nagsiuwian ang mga tagasuportang ito nang lumabas sa kanyang tanggapan si Binay para pasalamatan sila kasunod ng ipinalabas na TRO ng Court of Appeals.
Ikinadismaya rin ng alkalde ang pamamayani umano sa mga tanggapan at pasilidad ng pamahalaang lunsod ng ground commander ng PNP-SAF troops na si Sr. Supt. Elmer Jamias.