MANILA, Philippines – Nakatakda nang umusad ang kasong administratibo laban kina dating PNP Chief Director General Alan Purisima at nasibak na si Special Action Force (SAF) Commander P/Director Getulio Napeñas kaugnay ng pananagutan sa Oplan Exodus na ikinasawi ng 44 SAF troopers.
Sinabi ni Chief Supt. Generoso Cerbo Jr., Public Information Office OIC, may tinatawag na motu propio ang PNP-Internal Affairs Service (IAS) at maging ang National Police Commission para silipin ang pananagutang administratibo nina Purisima at Napeñas.
Gayunman, nilinaw naman ni Cerbo na ayaw niyang pangunahan ang hakbanging legal ng PNP-IAS at NAPOLCOM laban sa mga opisyal ng PNP na napatunayang may direktang pananagutan sa Oplan Exodus.
Binigyang diin pa ni Cerbo na dadaan sa masusing ‘due process’ ang kasong administratibo laban sa mga opisyal na mapapatunayang nakagawa ng pagkakamali.
Inihayag nito na magsisilbing basehan sa isasagawang imbestigasyon sa kasong administratibo laban sa mga kinauukulan ay ang PNP-BOI report.
Aniya, kung may makitang probable cause ay saka pa lamang mag-uumpisa ang pre-charge investigation laban sa mga akusadong opisyal.
Samantalang kapag lumitaw naman sa resulta ng imbestigasyon na guilty ang mga ito ay maaring patawan ng ‘dishonourable discharge’ at makansela ang kanilang mga benepisyo sa pagreretiro sa serbisyo.