MANILA, Philippines – Nanawagan kahapon si Makati Mayor Jejomar Erwin S. Binay kay Department of Interior and Local Government Secretary Mar Roxas na maging parehas kaugnay ng kautusan ng Ombudsman na nagpapataw sa kanya ng preventive suspension kaugnay sa kaso ng kontrobersiyal na pagpapagawa sa Building 2 ng Makati City Hall.
“Hawak na ng Court of Appeals ang aking kaso. Naiintindihan ko na meron kang trabahong dapat gampanan pero merong mga pagkakataon na pinagbibigyan ng DILG ang judicial recourse ng mga kasamahan nila sa Liberal Party na nasa ganitong sitwasyon,” sabi ni Binay.
“Sana naman ay maging parehas at walang kinikilingan si DILG Secretary Roxas, at maging pantay ang pagtingin sa kapartido man o sa amin na kasama sa oposisyon,” dagdag ng alkalde.
Hinggil anya ito sa paggalang sa due process at sa batas at sa hustisyang ipinagkakaloob nang parehas at pantay-pantay anuman ang partido.
“Muli ko pong inuulit: sumusunod tayo sa due process at ang pagdulog sa korte ay bahagi ng due process. Kinukwestyon natin ang isang kautusan ng Ombudsman na hindi naaayon sa batas. Kinukwestyon natin ang pagmamadali ng Ombudsman na suspindihin ako at hindi pagbibigay sa akin ng pagkakataon na magpaliwanag. Lahat ito ay bahagi ng due process,” sabi pa niya.
Ngayong Lunes na inaasahang isisilbi ng DILG ang suspension order na ipinataw ng Ombudsman kay Binay.
Pero umaasa ang kampo ng alkalde na hihintayin ng DILG ang pasya ng CA hinggil sa hirit nilang temporary restraining order (TRO) na ilalabas din umano bukas.