MANILA, Philippines - Saludo ang Special Action Force at mga opisyal ng Philippine National Police sa ipinakitang tapang at integridad ng PNP-Board of Inquiry (BOI) report na walang takot at pabor na inilahad ang katotohanan sa Oplan Exodus na kumitil ng buhay ng 44 SAF commandos.
“Nagpapasalamat kami sa PNP-BOI at hindi sila nagpadala sa pressure para ilahad ang katotohanan, hangad namin ang hustisya sa mga nasawi naming kasamahan,” pahayag ng isang SAF officer na tumangging magpabanggit ng pangalan.
Inamin nito na bagsak ang moral ng SAF dahil sa sinapit ng 44 nilang kasamahan pero dahil sa paglalahad ng katotohanan ng PNP-BOI ay nabuhayan sila ng kahit konting pag-asa .
“The government lacks conviction, their inaction to pursue justice deeply hurts our ranks, we salute the PNP-BOI report at least mailahad man lang sa taumbayan ang katotohanan nakapuntos na rin kami dahil wala namang maasahan sa gobyerno,” ayon pa sa isang police officer.
Nakasaad sa BOI repot na nilabag nina Pangulong Aquino ang Chain of Command ng atasan ang suspendidong si PNP Chief P/Director General Alan Purisima, dating SAF Director Getulio Napeñas para ilunsad ang Oplan Exodus na sa umpisa pa lang ay depektibo na.
Dismayado rin sila kay PNoy dahil sa patuloy nitong pagpapalusot sa isyu sa halip umanong matutong aminin ang pagkakamali at humingi ng tawad sa pamilya ng nasawing mga SAF commandos at maging sa taumbayan.
Kaugnay nito, sinabi naman ni Napeñas sa pamamagitan ng kaniyang abogadong si Atty Vitaliano Aguirre na naging patas ang imbestigasyon ng PNP-BOI sa pagpapalitaw ng katotohanan na hindi lamang siya ang dapat sisihin kundi ang lahat ng mga dapat managot sa Oplan Exodus.
“Maganda-ganda ang pananaw ng BOI dahil hindi lang sa kanya nakabunton ang sisi sa Mamasapano operation. Hindi sa kanya nakabunton ang lahat ng sala, kundi pati na rin kay Gen. Alan Purisima at President Benigno Aquino,“ sabi ni Aguirre. (Joy Cantos)