MANILA, Philippines - Hinatulan ng Sandiganbayan na makulong ng 16 na taon si dating San Miguel, Bulacan Mayor Edmundo Jose Buencamino matapos mapatunayang guilty sa dalawang bilang ng kasong graft na may kinalaman sa pagpapatupad ng “pass way fees” at pag-impound ng delivery trucks ng isang mining company noong 2004.
Sa 27-pahinang desisyon na nilagdaan nina Sandiganbayan Associate Justice Napoleon Inoturan, guilty si Buencamino sa dalawang counts ng paglabag sa Section 3(e) ng Anti-Graft and Corrupt Practices Act (Republic Act No. 3019). Ang isang count ay may 8 taong parusang pagkabilanggo.
Bukod sa kulong, hindi na rin pinapayagan si Buencamino na makapuwesto pa sa anumang tanggapan ng gobyerno.
Pinatunayan naman ng Ombudsman prosecutors na si Buencamino sa pamamagitan ni dating barangay captain Robert Tabernero na nagsabing ito ay nagsimulang mangolekta ng P1,000 noong 2004 mula sa mga mining operators na tinawag na “pass way fee” sa kada truck na dumadaan sa bayan ng San Miguel.
Ang pagkolekta umano ng pera rito ni Buencamino ay ipinatupad nito kahit walang ordinansa o resolusyon na naaprubahan ang Sangguniang Panlalawigan at hindi naire-remit ang kita rito sa local treasury.
“The act of imposing tax on a subject that is outside of the legal authority of a municipality as provided under the Local Government Code of 1991 and that it was made “without any legal basis but upon his whims and caprices,” ayon pa sa desisyon ng graft court.