MANILA, Philippines – Walang balak sundin ni Makati Mayor Junjun Binay ang anim na buwang preventive suspension na ipinataw sa kanya ng Office of the Ombudsman kahapon.
Sa katunayan, hindi umuwi si Binay at sa city hall nagpalipas ng gabi at aniya kung hindi kinakailangang umalis ay mananatili siya doon.
"Hangga't kailangan kami manatili dito hindi kami aalis... because we filed a petition for certiorari at hinahabol nga natin dito is to get a restraining order. 'Pagka umalis dito parang binigay na lang natin 'to," pahayag ng alkalde.
Naniniwala si Binay na ang kautusan ng Ombudsman ay pakana ng “Operation Nognog” na sinisiraan ang kanilang pamilya, lalo na ang kanyang amang si Jejomar Binay na tatakbo sa pagka-pangulo sa susunod na taon.
"We stand firm that this is all part of 'Operation Nognog' and this is really politically motivated. It's all about the 2016 election," wika ng nakababatang Binay.
Nakatakdang upuan ni Makati Vice Mayor Romulo “Kid” Peña Jr. ang pansamantalang mababakanteng pwesto ni Junjun na ikinababahala ng alkalde.
"Hindi namin hahayaan na because of the suspension order ay ang pauupuin dito ay isa na namang member ng Liberal Party. Halatang-halata na yung ginagawa nila dito,” aniya.
Iginiit ng nakababatang Binay na hindi siya dapat suspendihin kaugnay ng umano'y overpriced na Makati City Hall II dahil aniya hindi pa naman siya ang alkalde noon.