MANILA, Philippines – Tahasang inakusahan kahapon ni Senate Majority Leader Alan Peter Cayetano si Moro Islamic Liberation Front (MILF) Commander Wahid Tundok na siya umanong naging protektor ng teroristang si Zulkifli bin Hir, alias “Marwan.”
Sa kanyang privilege speech, muling inungkat ni Cayetano ang pagbibigay ng proteksiyon ng MILF sa teroristang si Marwan na napatay sa operasyon ng Special Action Force sa Mamasapano noong Enero 25.
Nagpakita pa si Cayetano na isang slide presentation kung saan ipinapakita si Tundok ng 118th Base Command ng MILF na kabilang umano sa mga nakipaglaban sa SAF.
Ayon pa kay Cayetano, si Tundok ay isa sa mga pinaka senior na mandirigma ng MILF.
“Siya (Tundok) ay merong patong-patong na kaso multiple murder, arson robbery at iba’t iba pang krimen,” ani Cayetano.
Samantala nagbabala rin si Cayetano na patuloy na nagpapalakas ng puwersa ang MILF.
Marami aniyang grupo ang nagpapalakas ng kanilang armories matapos ang insidente sa Mamasapano.
Sabi ni Cayetano na may mga nakausap siyang ilang mayors na nagsasabing muling binuksan ng MILF ang kanilang mga kampo at nag-iipon sila ng mga armas.
Dumalo naman at nakinig sa privilege speech ni Cayetano ang ilan sa mga balo at kamag-anak na naiwan ng SAF 44.
Muli ring binanatan rin ni Cayetano ang peace panel ng gobyerno na nagmimistula umanong tagapagtanggol ng MILF.