MANILA, Philippines – Walang gag order ang Philippine National Police (PNP) laban sa nasibak na si SAF Chief P/Director Getulio Napeñas kaugnay ng Mamasapano clash na ikinasawi ng 44 SAF commandos.
Sinabi ni PNP officer-in-charge Leonardo Espina na hindi siya nag-iisyu ng anumang gag order para pigilan ang sinumang magbigay ng pahayag sa publiko.
“I never do that,” ani Espina. “It’s up to your discernment whether you say something or not.”
“You can ask General Napeñas himself pero definitely wala.”
Naunang binanggit ng abogado ni Napeñas na si Vitaliano Aguirre na sinabihan sila ng pamunuan ng PNP na huwag munang magsalita sa isyu ng operasyon sa Mamasapano na ikinamatay ng 44 na miyembro ng SAF.
Sa kainitan ng ‘blame game’ o sisihan sa pagitan ng kaniyang kliyente at ng mga opisyal ng PNP ay pinagsabihan ito ni Espina na huwag nang patulan pa ang mga heneral ng AFP.
Pero napilitan na anya silang basagin ang katahimikan matapos direktang sisihin ni Pangulong Aquino si Napeñas sa isang pahayag noong Lunes.