MANILA, Philippines - May 5,000 relief packs at libreng serbisyong medical, gamot at inuming tubig ang ipinagkaloob ng pamahalaang-lunsod ng Makati sa mga biktima ng sunog sa Parola compound, Tondo, Manila kamakailan.
Nakipagkita si Makati Mayor Jejomar Erwin S. Binay kay Manila Mayor Joseph Estrada sa compound at pinangunahan ang pamimigay ng mga relief goods sa mga pamilyang naapektuhan ng magkasunod na dalawang sunog noong Lunes at Martes.
“Nakikiramay kami sa mga pamilyang nawalan ng tahanan at mga ari-arian. Kailangan nila ngayon ng tulong para makaagapay sa mahirap nilang sitwasyon kabilang ang pagkain, ligtas na inuming tubig at serbisyong medikal,” pahayag ni Binay.
Inatasan din ng alkalde ang Makati Social Welfare Department na magdeliber at mamahagi ng 15,000 pares ng tsinelas makaraang mapansin niya na maraming mga residente ang nakaapak lang.
Inihanda ng MSWD ang 5,000 relief pack na naglalaman ng bigas, delatang pagkain at noodles.
Para sa malinis na suplay ng tubig, nagdala ang Makati Disaster Risk Reduction and Management Office ng isang portable water filtration system na nakakabit sa isang trailer. Ito ang nagpoproseso ng tubig na nagsusuplay sa isang fire truck ng Makati Fire Department.
Pinakilos din ng alkalde ang isang medical team para magsagawa ng medical mission sa naturang lugar para tumulong sa mga problemang pangkalusugan ng mga residente sa pamamagitan ng libreng outpatient services at medicines.