MANILA, Philippines - Isinusulong sa Senado na maamiyendahan ang 85 taong Revised Penal Code ng bansa upang iayon sa panahon ang mga nakasaad na parusang ipinapataw ng batas.
Ayon kay Senate President Franklin Drilon, dapat ng baguhin ang karamihan sa mga parusa sa ilalim ng Revised Penal Code lalo pa’t iba na ang halaga ng pera ngayon kumpara noong 1930.
Layunin ng Senate Bill No. 2680 ni Drilon na baguhin ang halaga ng multa sa pagdetermina ng criminal liability sa iba’t ibang krimen.
Naniniwala si Drilon na hindi na nararapat sa kasalukuyang political, socio-economic at cultural settings ang karamihan sa mga parusang ipinapataw sa ilalim ng Revised Penal Code.
Ayon pa kay Drilon, ang halagang P200 sa ngayon ay lubhang iba na ang halaga kumpara sa P200 noong1930.
Dapat aniyang maging “proportion” ang parusang ipinapataw sa mga nagagawang krimen.
Sa ilalim ng kasalukuyang batas, ang isang taong napatunayang nagkasala ng swindling o estafa ay nahaharap sa parusang pagkabilanggo ng mula apat na taon at dalawang buwan hanggang 12 taon kahit pa ang halaga lamang na involved ay P12,000 hanggang P22,000 na noong taong 1930 ay maituturing na malaking halaga.
Ang parusa naman sa pagnanakaw sa kapareho ring halaga ay walong taon.