MANILA, Philippines - Magtataas ng singil sa kuryente ang Manila Electric Company (Meralco) ngayong Marso dahil papasok na ang panahon ng tag-init sa bansa.
Ayon kay Joe Zaldarriaga, tagapagsalita ng Meralco, iaanunsiyo nila sa susunod na mga araw kung magkano ang aabutin ng dagdag singil dahil kinukuwenta pa ang pagmahal ng ‘generation cost’ na siyang pinagkukunan nila ng power supply.
Sinabi ni Zaldarriaga, sa tuwing sumasapit ang panahon ng tag-init ay nagkakaroon ng pagtaas ng singil sa kuryente dahil sa malaking demand ng kanilang mga consumer.
Niliwanag ni Zaldarriaga na hindi naman sa Meralco mapupunta ang dagdag singil sa halip ay sa diretso ito sa mga Independent Power Producers (IPPs).
Aniya, nagsimula ng lumakas ang presyuhan ng Wholesale Electricity Spot Market makaraang lumobo ang demand sa kuryente nitong nakalipas na Enero at Pebrero.
Tumaas din umano ang ginagamit na panggatong at liquefied fuel na ginagamit ng IPP sa pag-produce nila ng kuryente.
Nitong Pebrero ay una na ring nagpatupad ng dagdag singil ang Meralco ng P0.84 kada kilowatt hour (kWh) o katumbas ng P168 sa bill ng mga kumokonsumo ng 200 kWh kada buwan.