MANILA, Philippines – Pinagkalooban din ng pamahalaang lunsod ng Makati ng pinansiyal na tulong ang 19 pang miyembro ng 84th Seaborne Company ng Special Action Force ng Philippine National Police na bahagi ng Mamasapano operation noong Enero 25.
Sinabi ni Makati Mayor Jejomar Erwin S. Binay na ang kagitingan ng naturang mga pulis ay dapat alalahanin. “Hindi sila dapat maging Forgotten 19,” dagdag niya.
Bawat isa sa 19 na naturang tauhan ng SAF ay tumanggap ng tig-P100,000 halaga ng tseke na ipinagkaloob ng alkalde sa loob ng kanyang opisina sa City Hall noong Marso 3. Hindi binanggit ang kanilang mga pangalan dahil sa kanilang kahilingan.
Nauna rito, pinarangalan ng pamahalaang lunsod ang 44 miyembro ng SAF na napatay sa Mamasapano, Maguindanao noong Enero 25 habang nakikipagbakbakan sa mga rebeldeng Muslim.
Kasama nina Vice President Jejomar C. Binay, Sen. Nancy Binay at dating Mayor Dr. Elenita Binay na ipinagkaloob ni Mayor Binay ang tig-P100,000 tseke sa bawat pamilya ng mga nasawi bilang tulong.
Sa naturang parangal, nagkaloob din sa mga benepisyaryo ng college scholarship sa University of Makati, medical services sa Ospital ng Makati at P300,000-housing benefit mula sa National Housing Authority.
Noong Pebrero 8, binisita rin ng mga Binay at namigay ng P100,000 sa bawat isa sa 15 nasugatang tropa ng PNP-SAF na nakaligtas sa madugong enkuwentro.