MANILA, Philippines – Pinunit ni Puerto Princesa City (PPC) Mayor Lucilo Bayron ang isang opisyal na dokumento ng Commission on Elections (Comelec) kaugnay ng ‘recall’ laban sa kanya.
Sa ‘video clip’ na umano’y inilagay sa YouTube ng isang saksi ilang oras matapos ang insidente noong Sabado sa loob ng PPC Coliseum ay makikita si Bayron kasama ang ilan niyang ‘bodyguards’ na lumapit sa grupo ng Comelec na noon ay abala sa pagkumpirma sa mga lagda sa petisyon.
Inupahan umano ng Comelec ang PPC Coliseum para sa pinal na beripikasyon ng mga lagda.
Ilang segundo matapos makuha ang dokumento mula kay Comelec officer Mon Garduce na siyang naatasan na kumpirmahin ang mga lagda, makikita sa video na naglalakad si Bayron palayo at pagkatapos ay makikitang pinunit ang dokumento habang pumapalakpak ang kanyang mga taga-suporta.
Makikita rin sa video na walang ginawa ang mga kagawad ng Puerto Princesa Police Office sa ilalim ni Senior Supt. Edgardo Wycoco.
Ayon kay Alroben Goh na siyang nagsulong ng recall petition laban kay Bayron noong isang taon, ilang minuto pagkatapos ng insidente ay “inagaw” umano ni Buddy Tinsay, manager ng PPC Coliseum, ang mikropono at inanunsyo na ititigil na ang proseso ng recall at isasara na ang buong coliseum.
Sa isang ‘en banc ruling’ ng Comelec noong Abril 2014, sinabi ng poll body na “sufficient in form and substance” ang recall laban kay Bayron, kasama na rito ang bilang ng mga lagda sa petisyon.
Sa ‘en banc ruling’ ng Korte Suprema noong Disyembre, inutusan nito ang Comelec na ituloy ang recall laban kay Bayron na nahinto dahil umano sa kawalan ng pondo.
Naghain naman ng petisyon para sa ‘temporary restraining order’ (TRO) si Bayron sa katwiran na “peke” ang mga pirma sa petisyon subalit ibinasura ito ng Korte.
Ayon kay PPC Comelec City Officer, Orlando Ba-alan, higit 1,000 pirma na lang sa kabuuang higit 40,000 pirma ang kailangan na lang ng beripikasyon. Aaabot sa 30,000 ang kumpirmado na.