MANILA, Philippines – Naging matagumpay ang pagdaraos ng Chinese New Year sa Binondo Maynila kung saan inorganisa ng isang real estate company na layong mapaunlad ang negosyo hindi lamang sa Maynila kundi sa buong bansa.
Sa panayam kay Teresa Pesigan-Valentino Sr. AVP and Head Marketing ng Megaworld, malaking karangalan sa kanila na maging organizer ng pagdiriwang ng Chinese New Year kung saan nakita ang pakikiisa ng mga Filipino at iba pang mga dayuhan sa pagdiriwang. Indikasyon lamang ito na marami ang kumikilala sa tradisyon ng mga Chinese.
Ayon kay Valentino, kailangan na mapanatili ang sigla ng Chinatown na maghihikayat sa mga negosyante na mamuhunan at patuloy na pagsigla ng mga negosyo.
Samantala, tiniyak ni Valentino na palalawakin pa nila ang kanilang proyektong ‘township’ na magbibigay din ng trabaho sa mga Filipino. Aniya, hindi na kailangan pang magpunta sa Maynila ang mga nasa probinsiya upang maghanap ng trabaho dahil ang Megaworld umano ang siyang maglalagay ng komunidad kung saan maglalaan ng trabaho, bahay at paaralan.
Giit nito unti-unti nang natutupad ang vision ng kanilang pamunuan na mabigyan ng trabaho pa ang mga Filipino at Chinese upang matugunan ang problema sa unemployment.
Tiniyak pa ni Valentino na hindi naman tumitigil ang kanilang kompanya upang mag-isip ng iba pang mga proyekto na magbibigay ng maayos na pamumuhay sa bawat Filipino.