MANILA, Philippines - Lumabas na sa PNP General Hospital sa Camp Crame ang 13 sa 15 survivors ng Special Action Force (SAF) commandos na kabilang sa nasugatan sa madugong bakbakan sa grupo ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) noong Enero 25 sa Mamasapano, Maguindanao.
Ayon kay PNP spokesman Chief Supt. Generoso Cerbo, agad isinalang sa pinal na ‘stress de briefing’ ang 13 kasama ang kanilang mga pamilya sa isang hindi tinukoy na lugar.
Gayunman, nananatili pa rin sa naturang ospital ang dalawa pang SAF survivor dahil kailangan pa ng mga ito ng kaukulang atensyong medikal.
Ang nasabing ‘final debriefing’ ang naging basehan para palabasin sa pagamutan ang 13 SAF na karamihan ay dumanas ng ‘war shock’ sa insidente.
Sa kasalukuyan ay kapiling na ng 13 SAF survivors ang kanilang mga pamilya na bahagi rin ng ‘treatment’ sa mga ito.
Inihayag pa ni Cerbo na depende na sa abiso ng mga doktor ng PNP Health Service kung kailan muling makakapag-report sa trabaho ang mga survivors.