MANILA, Philippines - Ibinasura kahapon ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang panawagan ng nadismis na Marine Colonel sa mga opisyal ng militar na iatras na ang suporta kay Pangulong Aquino dahil sa mahinang liderato nito sa pagkamatay ng 44 Special Action Force (SAF) sa bakbakan sa Maguindanao noong Enero 25.
Si dating Marine Col. Generoso Mariano, pinuno ng military component ng Solidarity for Sovereignty (S4S), isang multi-sectoral group ay nanawagan sa mga opisyal ng AFP at PNP na mag-withdraw o kumalas na ng suporta kay PNoy.
Ayon kay AFP spokesman Col. Restituto Padilla, hindi susunod ang mga aktibong opisyal at miyembro ng AFP sa panawagan ni Mariano.
“The AFP is made up of professionals and dedicated public servants who have sworn by their constitutional duties. The public can rest assured that the AFP will continue to do its duty with the greater interest of the public and our nation in mind,” giit pa ng opisyal.
Sinabi naman ni AFP Pubic Affairs Office chief, Lt. Col. Harold Cabunoc, bagaman isa ng sibilyan si Mariano ay hindi na nito dapat kaladkarin pa ang mga opisyal at miyembro ng militar sa anumang uri ng pag-aaklas laban sa gobyerno.
Inihayag pa ni Cabunoc na minsan na umanong sumalang sa court martial si Mariano noong 2011 dahil sa kawalang galang sa Pangulo noong aktibo pa ito sa serbisyo.
“We remain solid behind our commander in chief. We remain loyal to the Constitution,” pahayag ni Cabunoc sa may 125,000 puwersa ng AFP.