MANILA, Philippines - Nagbanta ang oposisyon sa Kamara na i-aakyat nila sa United Nations (UN) ang usapin sa isyu ng malagim na engkwentro sa Mamasapano, Maguindanao kung saan nasawi ang 44 miyembro ng PNP-Special Action Force (SAF).
Sinabi nina Abakada Rep. Jonathan dela Cruz at Buhay Rep. Lito Atienza, na pinag-iisipan na nila ito dahil wala namang malinaw na pinupuntahan ang kaliwa’t kanang imbestigasyon ng Ehekutibo, Senado at PNP sa insidente.
Nilinaw pa ng mga kongresista na hanggang maaari ay ayaw nilang i-internationalize ang naturang isyu subalit masyado na umano itong kumplikado.
Maging ang pamilya umano ng SAF 44 ay nangangamba na walang mangyayari sa pagbubuwis ng buhay ng kanilang mahal sa buhay.
Pinayuhan naman na may halong patutsada ni dela Cruz ang Malakanyang at sinabing dapat palitan na ang scriptwriter nito dahil palpak ang trabaho sa paiba-ibang linya ng Palasyo kaugnay sa Mamasapano massacre.
Giit pa ng mga kongresista, nakaka-tatlong script na umano ang Malakanyang subalit nagkakabuhol-buhol at nagkakasabit-sabit pa rin si Pangulong Aquino.