MANILA, Philippines – Inilabas kahapon sa Senado ang mga larawan ng diumano’y mga miyembro ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) kasama ang Abu Sayyaf Group (ASG) sa isang training camp sa Sulu.
Ipinadala ni Sulu Vice Gov. Abdusakur Tan ang mga litrato sa tanggapan ni Sen. Grace Poe bilang patunay na nagkakaroon ng training at recruitment ang MILF sa Panglima Estino, Sulu.
Sa sulat ni Tan kay Poe, chairman Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs na nangunguna sa pagdinig sa Mamasapano na ikinasawi ng 44 PNP-Special Action Force noong Enero 25, sinabi nito na nakakabahala para sa mga ordinaryong mamamayan ang mga high-powered firearms na makikita sa mga litrato.
Sabi ni Poe na dapat silipin ng Office of the Presidential Adviser on the Peace Process (OPAPP) ang nasabing alegasyon na training ng MILF at ASG dahil labag ito sa ceasefire na umiiral sa pagitan ng gobyerno at MILF.
Ayon naman kay government peace panel chair Miriam Coronel Ferrer, bina-validate pa ng gobyerno ang nasabing mga larawan.
Ang mga larawan daw ay may kinalaman din sa pulitika sa Sulu lalo na at ibang klase umano ang pulitika sa nasabing lugar.
Sinabi naman ni Presidential Adviser on the Peace Process Teresita Deles na posibleng magkaroon din ng kaguluhan sa pagitan ng mga partido kung ilalabas ang mga impormasyon tungkol sa mga lumabas na larawan.
Ayon naman kay MILF negotiating chairman Mohagher Iqbal, hindi niya maaring kumpirmahin ang authenticity ng mga larawan na una umanong lumabas sa pagdinig ng Mababang Kapulungan ng Kongreso bagaman at hindi pa kinikilala kung sino-sino ang mga nasa larawan.
Ang ipinapakita lamang umano sa mga larawan ay ang recruitment ng MILF sa Sulu pero hindi nangangahulugan na mga Abu Sayyaf ang mga ito.
“That area, that municipality is embroiled with political problems. There is ongoing misunderstanding among politicians in the area I think it has something to do with that,” pahayag ni Iqbal.
Sa mga larawan may mga text na tumutukoy sa ilang personalidad katulad ng “MILF member and mostly ASG,” at “Date started-January 01, 2015. Place-CAMP AKBAR, DEMO FARM. Barangay Punay, Municipality of Panglima Estino, Sulu.”