MANILA, Philippines – Dalawa-katao ang nasugatan matapos makipagbarilan ang mga security guard laban sa mga armadong kalalakihan na hinihinalang miyembro ng notoryus na Basag-Martilyo Gang na nanloob sa pawnshop sa loob ng mall sa Pagadian City, Zamboanga del Sur kamakalawa.
Ayon kay P/Insp. Dahlan Samuddin, spokesman ng Police Regional Office 9, naganap ang panloloob sa MLhuiller Pawnshop sa Gaisano Capital Mall sa San Pedro District sa nasabing lungsod.
Sa imbestigasyon, sinabi ni Samuddin, limang armadong holdaper ang pumasok sa nasabing pawnshop na nagpanggap na mga kustomer.
Nang makapasok sa loob ng pawnshop ay agad na binasag ng martilyo ang salamin na pinaglalagyan ng mga alahas.
Walang nagawa ang mga kawani ng pawnshop matapos na tutukan ng baril ng mga armadong holdaper na agad kinulimbat ang mga alahas at kinitang pera ng establisyemento.
Habang papatakas palabas ng pintuan ng mall ay nakabarilan ng mga suspek ang mga security guard kung saan nasugatan ng isa sa mga suspek at ang isang abogado na tinukoy lamang sa apelyidong Travero.
Ang mga suspek ay mabilis na tumakas lulan ng tatlong motorsiklo na nakaparada sa parking area ng mall.