MANILA, Philippines – Inamin kahapon ni Justice Secretary Leila de Lima na wala pang demand ang gobyerno para isuko ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) ang mga miyembro nilang nasangkot sa pagpaslang sa mga miyembro ng Philippine National Police-Special Action Force noong Enero 25 sa Mamasapano, Maguindanao.
Pero tiniyak ni Sec. de Lima sa pagdinig sa Senado na ide-demand nila sa MILF na isuko ang mga sangkot pagkatapos ng mga isinasagawang imbestigasyon.
Ipinaliwanag pa ni de Lima na wala silang ‘coercive power’ sa ngayon para pilitin ang MILF na isuko ang mga nasangkot nilang miyembro.
Kinakailangan pa rin aniyang malaman kung ano talaga ang nangyari at tukuyin kung sino ang mga sangkot sa Mamasapano incident.
“We have no coercive power at this point to demand that they (MILF) surrender those involved…We have to find out first exactly what happened, who are involved, identify them precisely, and when the proper time comes there would be appropriate legal processes like the issuance of subpoena at the preliminary investigation level,” ani de Lima.
Inihayag naman ni presidential adviser on the peace process Secretary Teresita Deles, na hinihintay pa nila ang hakbang ng DOJ para hilingin sa MILF na isuko ang kanilang mga miyembro.