MANILA, Philippines – Dahilan sa pagtaas ng krimen na kinasasangkutan ng riding in tandem, kung kaya pinasususpinde ni Zamboanga Rep. Celso Lobregat ang implementasyon ng motorcycle Helmet Act of 2009.
Ayon kay Lobregat, lubhang nakakaalarma ang patuloy na pagtaas ng mga insidente ng krimen ngayon na gawa ng motorcycle rider.
Base umano sa 2013 report ng PNP, mahigit sa 3,000 krimen ay dahil lamang sa motorcycle rider.
Nais ng kongresista ng isang taon na suspension sa naturang batas at maaaring palawigin depende sa rekomendasyon ng mga lokal na opisyal.
Iginiit pa ni Lobregat sa kanyang House bill 4438 na nagpapahirap sa mga awtoridad ang pagresolba sa mga krimen dahil nakasuot din ng helmet ang mga suspek.
Bagamat nakasaad umano sa RA 10054 o ang motorcycle helmet act of 2009 ang kahalagahan ng protective gears tulad ng helmet para maproteksyunan ang motorcycle riders, kinukunsidera naman ng panukala ang seguridad at kapakanan ng publiko mula sa criminal elements na nagsasamantala sa batas upang maitago ang kanilang pagkakakilanlan.