MANILA, Philippines – Libu-libong residente ng Makati City ang nabiyayaan sa primary health care facility ng lunsod na bukas nang 24 oras at pitong araw linggo-linggo na inilunsad noong Agosto para sa lahat ng mga naninirahan sa lunsod at iba pang Yellow card member.
Sinabi ni Makati Mayor Jejomar Erwin S. Binay na ang naturang serbisyo na isinagawa sa Palanan Health Centre ay nakapagpaginhawa sa mga residente lalo na sa mga nagtatrabahong mga magulang na merong maliliit na mga anak dahil hindi na nila kailangang lumiban sa trabaho para ipaduktor ang may sakit na bata.
“Natutugunan ng 24-oras na serbisyong medikal ng Palanan Health Centre ang pangunahin nitong layuning mapagaan ang pasanin ng mga magulang na nagtatrabaho. Ipagpapatuloy namin ang pagmomonitor sa operasyon nito para makapagsagawa rin ng ganitong serbisyo sa ibang piling health centre sa lunsod lalo na sa second district,” paliwanag ni Binay.
Sa kasalukuyan, ang centre ay merong anim na duktor, 10 nurse, anim na midwife, tatlong nursing aides, dalawang utility worker, at dalawang guwardiya na nagtatrabaho sa mga shift na inilaan ng pamahalaang lokal.
Sa unang 5 buwang operasyon ng panimulang 24/7 primary health care facility sa Makati, lumilitaw na mga sanggol at mga preschooler ang karamihan sa mga pasyente na dinadala rito ng mga magulang pagkatapos ng kanilang trabaho.
Batay sa huling report ng Makati Health Department (MHD), nagkaroon ng 5,244 pasyente ang health centre mula nang magbukas ito noong kalagitnaan ng Agosto ng nakaraang taon hanggang Enero 11, 2015.
Karamihan sa mga pasyente ay mga bata mula sa zero hanggang 12 years old na umaabot sa 1,581 cases. Nangunguna sa listahan ang mga nasa edad na mula isa hanggang tatlong taong gulang sa bilang na 622 cases. Kasunod ang mga nasa edad na apat hanggang pitong taong gulang sa bilang na 449 cases. Umabot naman sa 759 ang kaso ng mga senior citizen na edad 60 anyos pataas sa pasilidad sa loob ng naturan ding mga buwan.