MANILA, Philippines - Sa Camp Bagong Diwa sa Taguig City ikukulong si dating Masbate Rep. at ngayon ay Masbate Governor Rizalina Seachon-Lanete, matapos magdesisyon ang Sandiganbayan 4th Division na sa female dormitory ng Bureau of Jail Management and Penology ito ipiit kaugnay ng kinakaharap na kasong may kinalaman sa pork barrel scam.
Inisnab ng Sandiganbayan ang hirit ni Lanete na makulong na lamang ito sa Philippine National Police (PNP) Custodial Center dahil umano sa mga banta sa kanyang buhay at pamilya.
Kung naaprubahan ng graft court ang request ni Lanete, ito ay makakasama ng kapwa niya akusado sa graft at plunder sa pork barrel scam na sina suspended senators Jinggoy Estrada at Bong Revilla.
Samantala nasa Camp Bagong Diwa nakakulong ang ilang mga pangunahing personalidad na sangkot sa anomalya na sina Janet Lim-Napoles at si Gigi Reyes, dating chief of staff ni Sen. Juan Ponce Enrile.
Itinakda sa Marso 19, alas-8:30 ng umaga, ang pagbasa ng sakdal kay Lanete na sinampahan ng 11 counts ng kasong graft at plunder dahil sa P100 milyong kickback mula diumano sa kanyang priority development assistance fund (PDAF) noong kongresista pa siya.