2 holdaper sa park, tiklo

MANILA, Philippines - Arestado ang dalawang holdaper makaraang masaksihan ng mga nagpapatrulyang pulis ang tangkang panghoholdap ng mga ito sa isang lalaki sa tapat ng Centennial Park sa Navotas City, kahapon ng mada­ling araw.

Nakilala ang mga nadakip na sina John Michael Zaragoza, 21, at Ivan Perido, 22, kapwa residente ng Bagong Bayan South, ng naturang lungsod.

Sa ulat ng pulisya, nakapuwesto ang mga tauhan ng Intelligence Section sa pangunguna ni PO2 David Santos sa C4 Road sa tapat ng Centennial Park sa Brgy. BBS, dakong alas-12:05 ng madaling araw nang maispatan ang dalawang suspek na umaaktong ordinaryong tambay lang sa lugar.

Pinagmasdan ng mga pulis ang kilos ng dalawa hanggang sa maghiwalay ang mga ito.  Isang lalaki na napadaan sa lugar ang nilapitan ng isa sa mga suspek at inakbayan ngunit pumalag ang lalaki at lumayo.  Hinarangan naman ito ng ikalawang lalaki ngunit nagawa pa ring makatakbo palayo ng lalaki at makasakay sa isang pampasaherong jeep.

Dito na pinalibutan ng mga pulis sina Zaragoza at Perido at inaresto. Nakumpiska sa posesyon ng mga suspek ang dalawang patalim na gamit sa panghoholdap. Nahaharap ngayon ang dalawa sa kasong illegal possession of deadly weapons makaraang hindi maisampa ang kasong robbery hold-up dahil sa hindi na mahagilap ang lalaking tinangkang biktimahin ng mga suspek.

Show comments