MANILA, Philippines – Pinabulaanan ni Makati City Rep. Abigail Binay ngayong Huwebes ang mga paratang na hindi nakasaad sa Statement of Assets, Liabilites and Net Worth (SALN) ng kanyang amang si Bise Presidente Jejomar Binay ang mga ari-arian niya.
Ayon sa isang ulat, may 18 ari-arian ang kanyang mga magulang, ngunit tanging 10 lamang ang nakadeklara sa SALN.
Nilinaw ng nakababatang Binay na nasa SALN ng kanyang ama ang mga ari-arian sa Mariveles, Bataan, habang ang anim na lupa sa Laguna ay idineklara lamang bilang isang pagmamay-ari.
Dagdag niya na dalawa pang pag-aari sa Bataan ang pinag-isa at nasa SALN ito ng kanyang ama.
"It was clustered together so there is still disclosure as the Bataan property is concerned," paliwanag ng kongresista.
Ipinaliwanag din ng babaeng Binay kung bakit mababa ang halaga ng mga ari-arian sa SALN ng kanyang ama.
Aniya dapat ay acquisition value ang ginagamit sa pag-compute ng net worth at hindi fair market value.
Sinabi pa niya na nabili ang mga ari-arian 20 taon na ang nakararaan kaya naman dapat ay hindi na ito ungkatin pa.
"It has nothing to do with any Senate inquiry because we're talking about the transactions that are very recent," wika ng kongresista.