MANILA, Philippines - Mas malaki pa pala ang naibulsa ni Bise Presidente Jejomar Binay bilang pinuno ng Boy Scouts of the Philippines, ayon muli kay dating Makati Vice Mayor Ernesto Mercado ngayong Miyerkules.
Sa muling pagdinig ng Senate Blue Ribbon sub-committee sa umano'y pangungurakot ni Binay ay sinabi ni Mercado na batay sa kanyang kalkulasyon ay hindi lamang P200 milyon ang kinita ng longtime BSP President sa land deal nila ng Alphaland Corp.
Dagdag ni Mercado na umabot sa P651 milyon ang nakuha ni Binay sa joint venture agreement ng BSP at Alphaland noong 2008 sa lupa ng samahan sa Malugay St. sa Makati.
Sinabi umano ni Binay sa Alphaland na dapat ay mas malaki pa ang mapupunta sa BSP matapos ma-reclassify ang lupa.
Ayon pa kay Mercado ay ginamit ni Binay ang nakuhang pera sa kanyang kampanya noong 2010 para sa pagka-Bise Presidente.
Dagdag niya na hanggang ngayon ay hindi pa nakukuha ng BSP ang kanilang parte.
Pinabulaanan na ng Bise Presidente ang paratang, habang itinanggi ng BSP na may pinasok silang land deal.