MANILA, Philippines – Ibinasura ng Supreme Court ang hiling ni Sen. Jinggoy Estrada na huwag gamitin sa korte ang mga tinaguriang “Benhur Luy files”.
Sinabi ni SC Public Information Office chief at spokesman Theodore Te na hindi pinagbigyan ang kahilingan ni Estrada na maglabas ng temporary restraining order na humihiling na huwag nang gamitin bilang ebidensya ang files ni Luy na naka-save sa external hard drive.
Inilabas ang desisyon kasabay ng pagdiriwang ng ika-52 kaarawan ng senador.
Gayunman, pinagkokomento ng SC ang mga respondent kabilang ang Sandiganbayan 5th Division sa loob ng 10 araw.
Ang whistleblower na si Luy ay dating tauhan ni Janet Lim-Napoles na siya namang sinasabing nasa likod ng paglilipat ng pondo sa mga bogus na NGO ng pork barrel fund ng mga mambabatas, kabilang umano ang nakadetine ngayong si Estrada.
Matatandaang inihayag ni Luy sa bail hearing petition ni Estrada na siya ang taga-encode sa computer system ng JLN Corporation ni Napoles ng mga cash and check disbursement reports ng mga transaksyon kaugnay ng pork barrel scam.
Kanya anyang kinopya ang mga files na ito sa isang external hard drive na iprinisinta sa National Bureau of Investigation (NBI) Cyber Crime Division bilang ebidensya sa pork barrel scam.
Una nang hiniling ni Estrada na huwag itong gamitin sa kaso subalit ibinasura ng Sandiganbayan dahilan para magpasaklolo ito sa SC.