MANILA, Philippines – Isinapinal na ng Korte Suprema ang apela ni Emilio Ramon “ER” Ejercito na baliktarin ang desisyon ng Commission on Election (Comelec) na patalsikin siya bilang gobernador ng Laguna dahil sa overspending noong 2013 midterm elections.
Ayon sa Korte, wala naman umanong bago sa mga argumento ng kampo ni Ejercito para pagbigyan siya sa kanyang motion for reconsideration.
May 23, 2014 ng unang maghain ng apela ang napatalsik na gobernador ng Laguna upang kwestyunin ang Comelec resolution na nagdidiskwalipika sa kanya.
Katwiran ng poll body, labis ang gastos na P23.5 million ni Ejercito sa kampanya gayong ayon sa batas ay dapat P4.5 million lamang o katumbas ng P3 bawat registered voter.
Unang nabasura ang apela ni Ejercito noong Nov. 25, 2014 at matapos nito ay muli itong naghain ng motion for reconsideration subalit kahapon ay naging pinal na ang desisyon ng SC.