MANILA, Philippines – Matapos ang mala-palengkeng hearing ng Kamara sa Mamasapano massacre, inirerekomenda ni House Majority leader Neptali Gonzales ang pagpapatigil sa naturang imbestigasyon.
Ayon kay Gonzales, sa ngayon ay mas mabuting palamigin muna ang isyu at huwag sabayan na ganito kainit habang naiimbestigahan dahil mayroon naman umanong ginagawa na rin pagsisiyasat ang gobyerno kaya mahirap ‘pag sabay-sabay.
Giit pa nito, kung sabay-sabay ang imbestigasyon ay magkakaroon ng iba ibang anggulo kaya sa lahat umano ng nangyayari ay ang mamamayan ang nagiging biktima dahil lalong naguguluhan samantalang ang iba naman ay nagagalit umano sa Bangsamoro Basic Law (BBL).
Ito umano ang dapat iwasan kaya dapat na magpahinga muna ng imbestigasyon kahit isang linggo lang upang lumamig ang isyu.
Nilinaw naman ni Gonzales na noong umpisa pa lamang ay nais na ng Kamara na magkaroon ng isang imbestigasyon at mag-create ng task force kung saan pagsasama-samahin na ang police, military, DOJ at iba pang ahensiya na concern.
Sa ngayon umano ay hindi rin alam ng Kamara kung ano ang mangyayari subalit ang iginigiiit ni Gonzales ay hindi dapat sabayan ang init ng ulo ng mamamayan dahil pag sinabayan umano ito ay lalo lamang hindi magiging objective ang imbestigasyon.
Samantala, muli naman magsasagawa ng joint hearing bukas ang House Committee on Public Order and Safety at House Committee on Peace, Reconciliation and Unity kaugnay sa naturang insidente kung saan 44 miyembro ng PNP-SAF ang nasawi.