MANILA, Philippines – Nagpalabas ng babala ang pamunuan ng Manila Electric Company (Meralco) sa publiko hinggil sa mga pekeng bill collector ng kumpanya na gumagala sa Metro Manila, Bulacan at kalapit pang probinsiya upang mambiktima.
Ayon kay Joe Zaldarriaga, tagapagsalita ng Meralco, maraming reklamo ang natatanggap nila kaugnay ng mga kolektor o taga singil ng bill ng kuryente na nagba-bahay-bahay at nananakot na puputulin nila ang supply ng kuryente ng isang costumer kapag hindi nagbayad sa kanila.
Sinabi ni Zaldarriaga, wala silang mga tao na inutusan na mag-bahay-bahay para maningil at nag-aalok pa ng diskuwento.
Peke anya ang mga kolektor na nagbabahay-bahay at ano mang transaksyon sa kanila ay hindi awtorisado.
Hinikayat ni Zaldariaga ang publiko na ipaaresto sa mga awtoridad ang sino mang nagpapakilalang empleyado ng Meralco na naniningil ng bill sa kanilang mga tahanan.
Anumang transaksyon sa Meralco tulad ng pagbabayad ng bill ay maari lamang gawin sa mga Meralco Business Centers, Bayad Centers at mga authorized payment centers tulad ng mga bangko.