MANILA, Philippines - Itinanggi ng Vatican na merong assassination attempt laban kay Pope Francis kaugnay sa pagbisita nito sa Pilipinas nitong Enero.
Ayon kay Vatican spokesman Father Federico Lombardi na nakarating din sa kanila ang naturang mga haka-haka na merong tangka sa buhay ng Santo Papa.
Subalit mismong si Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle raw ang nagpaliwanag sa kanila na wala itong katotohanan.
Aniya, mahirap na kumpirmahin ang ulat dahil nakabatay umano ito sa intelligence report ng pamahalaan.
Sabi ni Fr. Lombardi, naniniwala sila sa impormasyon ni Cardinal Tagle dahil may maganda itong mga sources sa Pilipinas.
Noong Lunes sinabi ni dating SAF Director Getulio Napeñas na kabilang umano sa naging plano ng international terrorist at bomb-maker na si Zulkifli bin Hir alias Marwan bago ito napatay ay magtanim ng bomba sa dadaanang convoy ni Pope Francis sa T.M. Kalaw St., Luneta Park sa Maynila.
Giit ni Napeñas na bagamat hindi ito nakumpirma, nakatanggap naman ng ganitong impormasyon ang pulisya.
Kung maaalala noong Enero 18 isinagawa ang Papal mass sa Rizal Park, na nagtala ng record crowd nang anim hanggang pitong milyon.