MANILA, Philippines - Nalagpasan ng lunsod ng Makati nang 8.8 porsiyento ang revenue goal nito para sa taong 2014 nang umabot sa P12.79 bilyon ang nakolekta nito nang taong iyon. Pangunahing nagmula ito sa mga buwis na binayaran ng mga business at property owner sa lunsod.
Kaugnay nito, sinabi ni City Treasurer Nelia Barlis na makakaasa ang mga residente at negosyante sa Makati ng mas marami pang mga bagong programa at serbisyo ng pamahalaang lunsod dahil may sapat nang pondo para matiyak ang P12.2 bilyong badyet ng lunsod sa taong 2015.
Sinabi pa ni Barlis na, sa nagdaang 28 taon, patuloy at laging lumalaki ang taunang revenue collection ng Makati kahit nahaharap ang bansa sa financial crisis at gulo sa pulitika. Nananatili itong deficit-free sa nagdaang dalawang dekada.
Binanggit din ni Barlis na nagpapatatag sa pinansiyal ng lunsod ang malakas na kumpiyansa ng mga mamumuhunan tulad ng makikita sa pagtaas ng business tax collection at maraming bagong business registrant bawat taon. Noong nakaraang taon, ang city Business Permits Office ay nakapagrehistro ng 4,618 bagong businesses.
Matatandaan na, noong 2013, umabot sa P11.99 bilyon ang kabuuang koleksyon sa buwis ng lunsod at tumaas ito sa P12.79 bilyon noong 2014. Pinakamalaking bahagi nito ay mula sa business tax na lumaki nang pitong porsiyento sa halagang P6.58 bilyon o 51.4 porsiyento ng kabuuang kita ng lungsod. Ang real property tax naman ay tumaas nang walong porsiyento sa nalikom na P4.49 bilyon.
Idiniin din ng city treasurer na ang share ng lunsod mula sa pambansang pamahalaan o sa IRA ay P769 milyon lang na bumubuo sa anim na porsiyento ng kabuuang kinikita ng Makati. “Kabilang ang Makati sa iilang pamahalaang lokal na hindi umaasa sa IRA,” dagdag niya.