Giyera hirit ng utol ng SAF member sa brutal na video

MANILA, Philippines – Nagngingitngit sa galit ang kapatid ng nasawing Philippine National Police Special Action Force member matapos mapanood ang video ng brutal na pagpatay sa mga pulis.

Kinumpirma ni Julius Sagonoy sa dzMM na kapatid niya na si PO1 Joseph Sagonoy ang nasa video na buhay pa nang barilin sa panga ng mga rebelde.

"Kumpirmado ko po talaga na siya po 'yung nasa video, 'di po ako pwedeng magkamali kasi kapatid ko po 'yun," wika ni Julius.

BASAHIN: Video ng pagpatay sa SAF 44 pinabubura ng Palasyo

Sinabi ni Julius na lalong lumalim ang sugat sa pagkamatay ng kanyang kapatid dahil sa kumalat na video.

"'Yung mga MILF o kaya BIFF man 'yun, sobra po, tinorture po 'yung kapatid ko, ginawa pong aso, ginawang hayop 'yung pagpatay sa kanya."

"Bakit niyo pa in-upload 'yung kahayupan na ginawa niyo? Sana pagdusahan niyo 'yan habambuhay," dagdag niya.

Sa tindi ng galit ay nais ng kanilang pamilya na magdeklara ang gobyerno ng giyera laban sa mga nasa likod ng pagkasawi ng 44 miyembro ng SAF.

Dagdag niya na kung maaari ay sasama siya sa pagtugis sa mga rebelde upang personal na maipaghiganti ang kapatid.

Tulad ng ibang pamilya ng mga nasawing pulis ay naghahanap si Julius ng hustisya.

Kahapon ay hindi napigilan ni PNP officer-in-charge Leonardo Espina na maluha matapos malaman ang brutal na pagpatay sa kanyang mga tauhan.

Show comments