MANILA, Philippines - Sinisisi ng Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) ang MILF at Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) sa Mamasapano na ikinasawi ng 44 Special Action Force (SAF).
Ayon kay Father Jerome Secillano, CBCP-Permanent Committee on Public Affairs executive secretary, sa halip na isuko ang international terrorist na si Zulkifli Bin Hir alyas Marwan ay inalagaan pa ito sa teritoryong sakop ng MILF at BIFF.
Dahil dito, naniniwala ang pari na hindi dapat sisihin ang mga government officials kundi isisi ang krimen sa MILF dahil hindi man lang sila nagpakita ng sinseridad na arestuhin at i-turnover ang terorista sa gobyerno para maiwasan ang anumang insidente.
Dagdag ng pari, tila minamaliit lang ng MILF ang pagdinig at hindi alam na malaki ang epekto nito sa usaping pangkapayapaan para tuluyang maipasa ang Bangsamoro Basic Law (BBL).
Giit ng CBCP official, kung talagang mahalaga sa kanila ang BBL, dapat ay bigyan ni chief negotiator Mohagher Iqbal ng panahon at atensiyon ang pagdinig upang lumitaw ang katotohanan at mabigyan ng hustisya ang pagkamatay ng “Fallen 44”. (Doris Borja)