MANILA, Philippines – Pinabulaanan ni Justice Secretary Leila de Lima ang lumabas na ulat na tukoy na nila ang mga kakasuhan sa madugong engkwentro sa Mamasapano na ikinasawi ng 44 miyembro ng Special Action Force (SAF).
Ayon kay de Lima, wala pa silang hawak na mga pangalan ng mga nakasagupa at posibleng responsable sa pagkamatay ng Fallen 44 dahil patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng Board of Inquiry (BOI).
Ang tanging kinumpirma niya ay ang kautusan ni Pangulong Aquino na bumuo ang DOJ ng grupong magsasagawa ng case build-up. Katuwang anya ng DOJ rito ang National Bureau of Investigation (NBI).
Hiwalay aniya ang pangangalap ng ebidensiya at report ng kanilang mga state prosecutor mula sa DOJ National Prosecution Service (NPS) at mga imbestigador din mula sa NBI.
Bagama’t nakatuon ang imbestigasyon ng BOI sa police operational procedures, binanggit ng kalihim na lalabas dito ang administrative at criminal charges, at nakatutok sila sa huli.
Kabilang sa mga kasong posibleng isampa sa mga lalabas na sangkot sa madugong engkwentro ang homicide, murder, serious physical injuries, direct assault at paglabag sa international humanitarian law.