MANILA, Philippines – Kinumpirma ng Federal Bureau of Investigation (FBI) na bangkay ni Jemaah Islamiyah (JI) terrorist Zulkipli bin Hir alyas Marwan ang napaslang sa operasyon ng SAF commandos sa Brgy. Tukanalipao, Mamasapano, Maguindanao.
Ayon sa isang opisyal ng PNP, tugma ang DNA sample ni Marwan sa DNA ng kanyang kapatid na nakakulong naman sa Guantanamo Prison.
Sinasabing si Marwan ay napaslang sa Oplan Exodus kung saan pinutol ang daliri nito para maisailalim sa forensic examination ng FBI sa Estados Unidos.
Gayunman nang matanong si PNP Spokesman Chief Supt. Generoso Cerbo Jr., sinabi nito na hintayin muna ang kumpletong impormasyon ukol dito.
Ang Oplan Exodus ay ang ‘secret mission‘ upang hulihin ang international terrorist na si Marwan na may $5 M reward at henchman nitong si Abdul Basit Usman, may $2 M reward.
Ang grupo ni Marwan ang nasa likod ng Bali bombing sa Indonesia noong 2002 na kumitil ng buhay ng may 200 katao.
Nabigo namang marekober ang bangkay ni Marwan sa insidente dahil sa matinding bakbakan sa pagitan ng SAF at Moro Islamic Liberation Front (MILF) gayundin ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF).
Una nang sinabi ng nasibak na SAF chief Director Getulio Napeñas na handa siyang magbitiw sa tungkulin kapag hindi si Marwan ang napaslang o maging negatibo ang resulta ng DNA sample laban dito.
“We have a high capability on intelligence, it’s Marwan, we accomplish our mission,” sabi pa ni Napeñas.