MANILA, Philippines – Nanawagan kahapon si PNP Officer-in-Charge P/Director Gen. Leonardo Espina sa Moro Islamic Liberation Front (MILF) na ibalik ang kinulimbat ng mga itong baril ng 44 napaslang na Special Action Force (SAF) commandos sa madugong bakbakan noong Enero 25 sa Brgy. Tukanalipao, Mamasapano, Maguindanao.
“They should return to us (firearms), amin yan, may usapin between (MILF) at saka ng gobyerno, isauli nila,” pahayag ni Espina.
Ito’y matapos na makarating kay Espina ang ulat na ibinebenta na sa murang halaga ng MILF ang mga kagamitan tulad ng cellphone, mga alahas at armas na kinuha sa mga nasawing SAF commandos.
Binigyang diin ni Espina na dapat magpakita ng sinseridad sa peace talks ang MILF sa pamamagitan ng pagsosoli sa tinangay ng mga itong mga armas.
“They must show proof of sincerity doon sa usapan (peace talks). Unang-una sorry I am getting emotional , eh magpakita naman sila (MILF) ng tama,” punto ni Espina.
Sinabi ni Espina na nalagasan na nga ang PNP ng 44 SAF commandos ay tinangay pa ang mga armas ng mga ito.
Maugong naman ang usap-usapan na si suspended PNP Chief P/Director General Alan Purisima at ang nasibak na si SAF Commander Director Getulio Napeñas ang binigyan ng go signal ni Pangulong Aquino upang isagawa ang pumalyang Oplan Exodus na ikinasawi ng 44 SAF troopers.