MANILA, Philippines – Sa botong 13-0, pinagtibay ng Korte Suprema ang nauna nitong deklarasyon na illegal o labag sa Saligang Batas ang ilang probisyon ng Disbursement Acceleration Program (DAP).
Gayunman, sa pinakabago nitong desisyon, bahagya nitong pinagbigyan ang motion for reconsideration (MR) na inihain ng administrasyong Aquino sa pamamagitan ng Office of the Solicitor General (OSG).
Nananatili ang unang desisyon ng Korte Suprema na ilegal ang pagdedeklara ng saving kahit hindi pa tapos ang fiscal year at cross-border transfer o paglilipat ng budget mula sa isang tanggapan patungo sa ibang tanggapan na hindi nasasakop ng Ehekutibo.
Nilinaw din ng Korte na tanging ang may-akda lang ng DAP ang pwedeng papanagutin, walang pananagutan ang mga tagapagsulong ng proyekto at maging ng mga nagpatupad nito.
Gayunman, lusot pa rin sa pananagutan ang may-akda ng DAP kung mapapatunayang “in good faith” o wala itong hinangad na masama nang ipatupad ang proyekto.
Kinilala rin ng Korte Suprema ang mga magiging epekto kung idedeklara pa nitong invalid ang mga proyektong naipatupad na sa ilalim ng DAP.
“Under the operative fast doctrine, it would be more unproductive or disastrous for the court to declare these projects invalid and therefore sustained those projects as valid,” sabi ni SC spokesman Atty. Theodore Te.
Ang DAP ay ipinatupad ng administrasyong Aquino sa pamamagitan ng Department of Budget and Management (DBM) na pinamumunuan ng kalihim na si Butch Abad.
Nakatakda sana itong gamitin bilang pandagdag sa mga existing programs and projects ng gobyerno subalit sinasabing nagamit din umano itong pansuhol sa mga senador na bumoto ng pabor sa impeachment ni dating Supreme Court Chief Justice Renato Corona.
Ikinatuwa naman ng Malacañang ang paglilinaw ng Korte Suprema na “in good faith” ang pamahalaan nang ipatupad ang programa.