MANILA, Philippines – Pinag-iingat ng Quezon City Police ang mga motorista laban sa mga parking boy na nagkukunwaring mag-aassist sa kanila para pumarada, subalit ang pakay ay tangayin ang mga gamit na naiwan sa kanilang sasakyan.
Ito ay makaraang dumulog sa himpilan ng Police Station 10 ang isang Mark Jefferson Ju, 30, ng Caloocan City upang magreklamo.
Ayon sa biktima, natangay sa kanya ang isang Huawei cellphone P11,000 at cash na P5,000 na nakalagay sa loob ng kanyang sasakyan.
Tinukoy naman ang suspect sa pangalang Edison Espansol, alyas Mata, isang parking boy na ngayon ay tinutugis na ng mga awtoridad.
Base sa imbestigasyon, nangyari ang insidente sa kahabaan ng Tomas Morato Avenue, malapit sa kanto ng Dr. Lascano, Brgy. Sacred heart sa lungsod, ganap na alas-12:05 ng madaling araw.
Bago ito, ipinarada umano ng biktima ang kanyang Toyota Corolla (TAF-134) sa naturang lugar kung saan umasiste pa sa kanya ang suspect.
Nang makaparada, agad na bumaba ang biktima sa kanyang sasakyan, pero bago tuluyang umalis ay siniguro pa niyang naka-lock ang pinto nito, at saka nagtungo sa isang bar.
Makalipas ang ilang oras, pagkabalik ng biktima sa sasakyan ay natuklasan na lang nitong nawawala sa loob nito ang kanyang mga gamit at pinaniniwalaang tinangay ng nasabing parking boy.