MANILA, Philippines - Libu-libong alumni ng Philippine National Police Academy (PNPA), kabilang ang mga aktibo at wala na sa serbisyo ang nakiisa sa martsa bilang pakikidalamhati at pakikisimpatiya sa 44 nasawing PNP-SAF commandos.
Ito’y kasabay ng idineklarang ‘National Day of Mourning’ ng pamahalaan sa malagim na pagkamatay ng SAF sa kamay ng mga rebeldeng MILF at BIFF sa Mamasapano, Maguindanao.
Ang “Sympathy Walk” ay isinagawa mula Fort Bonifacio patungong Camp Bagong Diwa sa Taguig.
Bukod sa mga pulis, sumama rin ang mga miyembro ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) at Bureau of Fire Protection (BFP) sa martsa na nagsimula alas-6 ng umaga.
May dalang bulaklak at mga placard ang ilan sa mga naglakad habang naglagay ng itim na band sa kanilang mga badge. ?Umabot sa isang kilometro ang haba ng mga nakiisa sa “unity walk.”
Matapos ang dalawang oras, nakarating ang unahan ng martsa sa Camp Bagong Diwa kung saan nakahimlay ang 42 nasawi.
Nang makarating sa Bagong Diwa, nagdasal at nag-alay ng bulaklak ang grupo saka bumalik sa kanilang mga duty.
Samantala naglunsad din ng martsa para sa simpatya at hustisya ang mahigit 500 pulis sa Cebu para sa PNP-SAF members.