MANILA, Philippines - Inaresto, kinaladkad, pinakawalan.
Ito ang naranasan kahapon ni Makati Mayor Junjun Binay matapos arestuhin ng Senate Sergeant-at-arms sa kanyang tanggapan sa Makati City hall upang iharap sa Senate Blue Ribbon sub-committee.
Dakong alas-11 ng umaga ng dumating sa Senado si Binay sakay ng kanyang sariling sasakyan at dumiretso sa tanggapan ng Senate Sergeant-at-arms habang isinasagawa naman ang ika-14 na pagdinig ng Blue Ribbon sub-committee tungkol sa diumano’y overpriced Makati City Hall parking building sa pangunguna ni Sen. Koko Pimentel.
Bukod kay Binay, kasama rin sa mga ipinaaresto sina dating city administrator Marjorie de Veyra at kasalukuyang administrator na si Eleno Mendoza.
Pinatawan ng contempt si Binay at lima pa dahil sa patuloy na pang-iisnab sa hearing ng sub-committee.
Pansamantalang sinuspinde ni Pimentel ang hearing upang hintayin si Binay sa session hall pero pinanindigan ng abogado ni Binay sa mga senador na mas pipiliin ng alkalde na manatili sa kulungan ng Senado imbes na dumalo sa pagdinig.
Pero iginiit ni Pimentel na paharapin sa session hall si Binay dahil ito ang layunin ng pag-contempt at pagsisilbi ng arrest warrant dito.
Dahil dito kaya puwersahang dinala sa session hall ang alkalde para humarap kay Pimentel, maging kay Sen. Antonio Trillanes.
Nang makaupo na ang mayor tinanong ito ni Trillanes kung nangangailangan ito ng special medical attention matapos ipakita ang kanyang braso na mistulang nasaktan pero ayon kay Binay ay okay naman siya.
Sa harap ng sub-com ay sinabi ni Binay na hindi niya nilalabanan ang Senado pero may mga karapatan din umano siya na dapat protektahan.
Muling tinanong ni Pimentel kung nakahanda ng sumagot si Binay sa mga inihanda niyang tanong pero iginiit ng mayor na pinayuhan siya ng kanyang mga abogado na huwag dumalo sa pagdinig.
Dahil sa pagmamatigas ni Binay, ipinag-utos na ni Pimentel na palayain ito at sina de Veyra at Mendoza.
Pero idinagdag ni Pimentel na pinalampas ni Binay ang pagkakataon na maipahayag ang kanyang panig.
“You are free to go,” panghuli ni Pimentel sa alkalde.
Nakapagsagawa pa ng isang press conference si Binay matapos ang pagdinig kasama sina dating Senators Joker Arroyo at Rene Saguisag.
“Our role here is to prevent violations of the constitution, violations of human rights...civil liberties and the downgrading of governance. We have noticed that it is increasing, and we are disturbed,” pahayag ni Arroyo na nagsabi ring sa tingin niya ay may nilabag na ilang rules ang sub-committee sa nangyari kay Binay.
“We came here dahil ang tingin namin parang umiiral na naman ang batas militar sa Senado,” sabi naman ni Saguisag.