Dinky umamin, itinago ang mga ‘yagit’ kay Pope

Sec. Dinky Soliman STAR/Val Rodriguez

MANILA, Philippines – Mismong si Social Welfare and Development Sec. Corazon ‘Dinky’ Soliman ang umamin kahapon sa Senado na dinala nila sa isang resort ang mga mahihirap na nakatira sa kalsada sa Metro Manila partikular sa Roxas Boulevard upang maging malinis ang kalye sa pagbisita ni Pope Francis sa bansa.

Bagaman at bahagi umano ng isang “family camp” ang programa, pero ginawa ito sa kahilingan na rin ng mga lokal na pamahalaan upang maging malinis at maayos ang kahabaan ng Roxas Blvd. sa pagdating ng Santo Papa.

“Hindi namin idine-deny na ang effort na ga­wing maayos ang Roxas Boulevard ay bahagi ho ito, kami ay nakipag-ugnayan para madala sila sa proseso ng pagrerehistro,” sabi ni Soliman sa Senate hearing.

Ayon pa kay Soliman, sikip na ang mga pasilidad na maaring pagdalhan sa mga “homeless” kaya pinadalo na lamang sila sa isang ‘family camp’ upang mapabilis rin ang pagrerehistro sa kanila para sa modified conditional cash transfer.

Nabunyag ang gina­wang pagdampot ng DSWD sa mga taong nakatira sa kalye noong bago dumating ang Santo Papa matapos silang dalhin sa Chateau Royale Sports and Country Club sa Nasugbu, Batangas.

Muli lamang ibinalik sa Maynila ang mga mahihirap na nakatira sa kalye noong araw na umalis sa bansa si Pope Francis.

Umabot umano sa 100 pamilya o 427 indibidwal ang dinala sa Chateau Royale noong Enero 14 hanggang 19, 2015 kung saan kabilang sa mga dinampot ay mula Maynila, Parañaque at Pasay.

Show comments