MANILA, Philippines – Tumulak kahapon sa Saudi Arabia si Foreign Affairs Secretary Albert del Rosario upang personal na makiramay at ipaabot ang pakikiramay ng Pilipinas sa pagpanaw ni Saudi King Abdullah bin Abdulaziz.
Ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA), magsisilbing kinatawan ni Pangulong Aquino si del Rosario upang makiramay.
Ang pamahalaan ng Saudi mula sa pamumuno ni Saudi King Abdullah ang naging daan upang masagip sa bitay ang ilang overseas Filipino workers na nalagay sa death row kabilang na ang napalayang si Dondon Lanuza.
Si Lanuza ay nabigyan ng malaking halaga ng Saudi government para sa kanyang blood money upang tuluyang mailigtas sa takdang pagbitay hanggang sa makalaya at makabalik sa kanyang pamilya sa Pilipinas.
Nabatid na tinatanaw ng malaki ng Pilipinas ang mga tulong ng Saudi King at sa kagandahang loob nito para sa kapakanan ng mga manggagawang Pilipino na nasa kingdom.
Bukod sa Pilipinas, nagpahatid na rin ng pakikiramay ang iba’t ibang bansa maging si US President Barack Obama.