Gun ban sa SK polls arangkada na ngayon

MANILA, Philippines - Umpisa ngayong araw ipatutupad ng PNP ang gun ban kaugnay ng pagsisimula ng election period ng Sangguniang Kabataan (SK) elections sa darating na Pebrero 21.

Ayon kay Sr. Supt. Robert Po, Deputy Chief ng PNP-PIO, nakaalerto ang nasa 150,000 puwersa ng PNP bilang mga deputado ng Comelec para tiyakin ang peace and order sa SK polls.

Kanselado na rin ang Permit to Carry Firearms Outside of Residence (PTCFORs) umpisa ngayong araw. Tatagal ang gun ban ng 45 araw.

Exempted ang mga miyembro ng PNP, AFP at iba pang law enforcement agencies pero habang naka-duty lang at nakasuot ng kumpletong uniporme.

Ang mga sibilyan na may PTCFORs ay maari namang mag-apply ng gun ban exemption sa Comelec.

Tiwala naman ang Comelec na ipagpapaliban ang SK polls. Sabi ng Comelec, ang muling pagpapaliban sa SK elections ay daan upang baguhin ang kasalukuyang pamamalakad at implementasyon nito lalo pa’t sinasabing “humuhubog ito ng mga bagong tiwaling lider ng bansa”.

Ipinagpaliban sa Pebrero 2015 ang sana’y SK elections noong October 2013 dahil na rin umano sa pagbabago ng sistema.

Subalit muling hiniling ng Comelec na gawin ito sa October 2016 kasabay ng barangay elections upang magbigyan ng sapat na panahon ang Kongreso na maipasa ang SK Reform Bill.

Ngunit tila tutol na ang Senado na muling ipagpaliban ito. (Joy Cantos/Doris Borja/Malou Escudero)

 

Show comments