MANILA, Philippines – Isang malaking insulto at masamang biro sa ginawang pagsasakripisyo ng mga pulis na nagbantay ng tapat sa buong panahon ng 5-araw na pagbisita sa bansa ni Pope Francis ang kumalat na litrato ng mga “pulis” na nakunan na naglalakad at nakasuot lang ng diaper habang nagse-secure sa papal visit sa lungsod ng Maynila.
Sinabi ni PNP-PIO Chief Supt. Wilben Mayor, na hindi totoong mga pulis ang mga lalaking naka-diaper at naka-ID pa.
Sinabi ni Mayor na hindi ang nasabing uniporme ang kanilang isinuot sa papal visit at hindi rin nagsasabit ng ID ang mga pulis.
Sa gitna ng makasaysayang Misa na pinangunahan ni Pope Francis noong Linggo sa Luneta, nakatawag ng atensyon ang kalalakihang nakasuot ng uniporme ng pulis ngunit walang ibang suot na pang-ibaba kundi adult diaper.
Lumantad na ang grupong nagpakilalang Project Awesome Philippines bilang nasa likod ng ayon dito’y isang “social experiment.”
Sinasabing nag-ugat ito sa kontrobersyal na aksyon ng Metro Manila Development Authority (MMDA) noong traslacion ng Poong Nazareno sa Quiapo kung saan pinagsuot ni Chairman Francis Tolentino ng adult diaper ang mga tauhan nito.
Humingi na umano ng paumanhin ang Project Awesome Philippines at nilinaw na hindi nila intensyong sirain ang imahe ng Pambansang Kapulisan.
Sa kabila nito, inihayag ni Mayor na hindi na nila pag-aaksayahan ng panahon ang isyu.
Mas pagtutuunan na lang nila ng atensyon ang pagbibigay ng seguridad sa publiko kaysa hanapin pa at papanagutin ang grupong nasa likod nito.