MANILA, Philippines – Wala pang sagot ang Santo Papa kung babalik siya sa Pilipinas matapos imbitahan ng Catholic Bishops' Conference of the Philippines upang dumalo sa 51st International Eucharistic Congress sa Enero 2016.
Bago pa man dumating si Pope Francis sa bansa ay nauna na ang paanyaya ng CBCP at ang tanging makakasagot lamang nito ay ang Santo Papa mismo.
"Nagpadala na sa Santo Papa noon pa ang [Catholic Bishops' Conference of the Philippines] ng invitation para pumunta siya. Ngayon, dahil nga nagpunta na siya (recently concluded trip), tingnan natin," wika ni Tagle sa pulong balitaan sa Villamor Airbase.
"Kung pupunta siya, wow! Salamat! Kung gusto pa ulit ninyo, anytime. It is the decision of the holy father. The event is there but the Holy Father will have to decide."
Gaganapin ang 51st International Eucharistic Congress sa Cebu mula Enero 24 hanggang 31 sa 2016 kung saan 15,000 local at international delegates ang inaasahan.
Umalis kaninang umaga si Pope Francis pabalik ng Rome matapos ang limang araw na pagbisita sa bansa.