MANILA, Philippines - Patuloy na nagbabanta ang bagyong Amang sa Visayas na pupuntahan ng Santo Papa ngayong Sabado.
Alas-11 ng umaga kahapon, si Amang ay namataan ng PAGASA sa layong 560 kilometro silangan ng Borongan City, Eastern Samar taglay ang lakas ng hanging 75 kilometro kada oras (kph) at pagbugso na umaabot sa 90 kph.
Kumikilos ito pakanluran sa bilis na 15 kph.
Nakataas ang signal no. 1 sa mga lugar ng Camarines Sur, Catanduanes, Albay, Burias Island, Sorsogon, Masbate kasama na ang Ticao Island sa Luzon gayundin sa Northern Samar, Eastern Samar, Samar, Biliran at Leyte sa Visayas.
Sinasabing si Amang ay tatama sa Northern Samar ngayong Sabado ng gabi.