MANILA, Philippines - Binuweltahan ni United Nationalist Alliance (UNA) interim president Navotas Rep. Toby Tiangco si Sen. Alan Peter Cayetano sa usapin ng mga iniimbentong kuwento at mga halusinasyong bunsod ng droga.
Ipinaalala ni Tiangco sa senador kung paano inilarawan ni Cayetano si Pangulong Aquino bilang ‘topak’ sa kampanya sa halalan noong 2010. Ikinasiya naman ni Tiangco na inungkat ng mga ‘bata’ ng senador ang isyu ng pag-iimbento ng kuwento dahil sa mga kuwestyon kung sino ang nagpopondo sa TV advertisement sa Taguig ni Cayetano.
“Mabuti at binanggit ng tagapagsalita ni Cayetano na produkto lang ng hallucination ang multi-million peso Taguig TV ads. Ipinakikita lang naman niya ang hilig mag-imbento at mag-hallucinate,” sabi ni Tiangco.
“Nakalimutan na ba niya na si Cayetano ang nagsabing may topak si PNoy? Magkasama si Cayetano at GMA noon pang 2004 at kung anu-ano ang inimbento nilang kwento laban kay FPJ. Ngayon, sinasabi ng taong ito na produkto ng hallucination ang isyu sa pondo ng Taguig TV ad,” dagdag ni Tiangco.
Ikinagulat din ni Tiangco na biglang natameme ang senador sa pagharap sa media para sagutin ang mga tanong kung sino ang nagbayad para sa production at placement ng kanyang 15/30-seconder TV spots nito sa primetime.
Nauna rito, ibinunyag ni Tiangco na ang primetime television advertisements ni Tiangco ay nagkakahalaga ng P100,000 hanggang P150,000 para sa isang 15-second commercial. Tinayang umabot sa P500 milyon ang naturang TV ad na tumagal nang limang buwan.
Nitong Martes, hinamon ni Tiangco ang mga alalay ni Cayetano na sumailalim sa drug test.
“Para sa rekord, isa ako sa nagboluntaryong dumaan sa drug test na isinagawa ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa kongreso. Magbibigay ako ng kopya ng resulta ng drug test na nagpapakita ng negatibong resulta. Ngayon, oras naman na si Cayetano ang magpakita ng dokumento na nagpapakita kung sino ang nagbayad sa ads.