MANILA, Philippines – Binalot ng tensyon ang Cotabato City matapos pasabugin ang kahabaan ng Gonzalo Javier Street sa Rosary Heights, kamakalawa ng gabi.
Sa ulat ni Cotabato City Director P/Supt. Rollen Balquin, naitala ang pagsabog pasado alas-9 ng gabi malapit sa tanggapan ng Sultan Kudarat Descendants Organization of the Philippines.
Agad namang rumesponde ang pinagsanib na elemento ng Explosives and Ordinance (EOD) team ng pulisya at militar kung saan narekober ang nagkapirapirasong fragments ng M203 grenade launcher.
Ayon sa pulisya, namataan ang dalawang di-kilalang lalaki na lulan ng motorsiklo na mabilis na nagsitakas matapos ang pagsabog.
Pinaniniwalaan mga miyembro ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) na sinasabing tumiwalag sa Moro Islamic Liberation Front ang nasa likod ng pagpapasabog.
Lumilitaw na balakid ang nasabing grupo sa peace talks sa pagitan ng pamahalaan kaya naglulunsad ng pananabotahe.