MANILA, Philippines - Isang official escort na miyembro ng Hijos Del Nazareno ang nasawi nang atakehin sa puso habang nasa itaas ng Andas na sinasakyan mismo ng Itim na Poong Nazareno bunga ng pagkaka-ipit umano ng mga taong nais humalik at magpunas ng tuwalya at panyo sa imahe, kahapon ng umaga.
Kinilala ang biktimang si Renato Gurion, 44, residente ng Sampaloc, Maynila na may limang taon na umanong official escort.
Batay sa ulat, dead on arrival sa Manila Doctors Hospital dakong alas 8:30 ng umaga si Gurion dahil sa cardiac arrest.
Sa naging pahayag ng kasamahan sa Hijos Del Nazareno na si Adam Sanding, isang barangay kagawad ng Tondo, Maynila, biglang nawalan ng malay si Gurion at ilang minuto pa itong nakalupaypay sa ibabaw ng Andas dahil nahirapan silang maisugod sa pagamutan ang biktima.
Sinubukan pang i-revive ng medical team ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) bago agad na itinakbo ng ambulansiya sa Manila Doctors Hospital ang biktima subalit wala na itong buhay nang idating, batay sa deklarasyon ng Emergency Room doctors.
Hindi umano kinakitaan ng senyales ang biktima na aatakihin dahil masaya pa umano silang nag-eeskort at mismong ang biktima pa umano ang taga-abot ng mga pagkain nila, ani Sanding.
Umusad lang ng maikli ang Traslacion dakong alas 7:30 ng umaga subalit sa kapal ng mga taong sumasampa ay halos dalawang oras na natengga ang karosa at sa puntong iyon ay bigla na lamang bumagsak ang biktima.
Habang isinusulat ang balitang ito ay nasa mahigit 500 na ang nabigyan ng first aid ng mga nakaantabay na medical at health personnel sa bahagi pa lamang ng Quirino Grandstand, na karamihan ay minor cases tulad ng pagkahilo, nagalusan at tumaas ang blood pressure.
Isang Anjo Molina naman ang nagkaroon ng rib fracture dahil sa pagkaipit sa dagsa ng tao.
Nabatid na alas 12:00 pasado pa lamang ng hatinggabi ng Enero 9 nang isagawa ang banal na misa ni Manila Archbishop Cardinal Antonio Tagle.
Kahapon matapos umalis na ang Andas ng Poong Nazareno, isang replica ang iniwan sa Quirino Grandstand upang ituloy pa rin ang “pahalik” na nagsimula pa noong Huwebes (Enero 8) alas 4:00 ng madaling araw.
Tinatayang nasa mahigit 5-milyong deboto na ang kapal ng tao sa Traslacion hanggang kahapon ng umaga.
Samantala nagpatrulya sa Pasig River ang 11 aluminum at rubber boats ng Philippine Coast Guard sakay ang rescue teams at divers, na sumentro sa Jones Bridge, na pinagdaanan ng prusisyon dahil ang McArthur Bridge na tradisyunal na ruta ay hinarangan ng double layer na concrete barrier at human barricade na binubuo ng kapulisan upang huwag nang daanan dahil mahina ang tulay at kailangang kumpunihin.
Sa bahagi naman ng Escolta na hinarangan din ng mga container van upang maiiwas sa panganib ang mga kasama sa prusisyon ay biglang sinugod muli ng mga bumbero nang makitaan ng usok ang ika-3 palapag ng lumang PNB building at dating City College of Manila (CCM) branch.
Sinai ni Manila Fire Marshall Supt. Jaime Ramirez na inaalam pa nila kung ano ang sanhi ng usok.
Naging malinis na ang Qurino Grandstand at iba pang dinaanan ng prusisyon dahil binuntutan sila ng MMDA street sweepers, Department of Public Services, student volunteer at mga miyembro ng Ecowaste Coalition na namumulot ng basura at namudmod ng sako para gawing basurahan. Umabot sa trak-trak ang nahakot na pawang mga styrofor, empty bottles, karton, barbeque sticks at iba pang ginamit ng mga deboto.